Isang nagngangalang Margarita Fajardo ang nagsampa ng panibagong reklamong panggagahasa laban kay V
hong Navarro sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Bandang 9:58 ng gabi ng April 3, nakatanggap ng feed ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na bukod kina Deniece Cornejo at Roxanne Cabañero, may isa pang complainant ang lumutang na diumano’y ginawan ng karahasan ng actor-TV host.
Ngayong tanghali, April 4, kinumpirma ng legal counsel ni
Vhong Navarro na si Atty. Alma Mallonga na mayroon ngang panibagong alegasyong panggagahasa na inihain laban sa kanyang kliyente.
Ngunit wala pa umanong natatanggap na kopya ng reklamo ng complainant ang kanilang kampo sa ngayon.
“We will wait for the complaint and respond.
“We will follow the process, knowing full well that Vhong will be vindicated. Let us not lose focus.
“This complaint, and other complaints to follow, is irrelevant to the crime committed against Vhong,” pahayag ni Atty. Mallonga sa ipinadala niyang mensahe sa PEP via text message ngayong araw.
RAPE COMPLAINT. Sa hiwalay na ulat ng The Philippine Star online site ngayong araw, hindi tinukoy ang pangalan ng complainant, ngunit nabanggit na dati itong gumanap na body double sa isang teleseryeng kinabilangan ni Vhong noong 2009.
Sa pagsasaliksik ng PEP, napag-alaman naming ang teleseryeng ginawa ni Vhong noong panahong yun ay ang I Love Betty La Fea, na pinagbidahan nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz.
Idinetalye ng complainant sa kanyang sinumpaang salaysay na naganap ang insidenteng panghahalay ni Vhong nang yayain siya ng aktor na sila ay mag-usap sa loob ng sasakyan nito.
“I did not think anything of it and I was not afraid to be alone with Vhong because we were taping with lots of other people around outside,” lahad ng complainant.
Ngunit nang makapasok siya sa loob ng sasakyan ni Vhong, bigla na lang umanong pinuwersa ng aktor ang dalaga na magkaroon ng sexual contact sa pagitan nila.
Pinili umano ng complainant na manahimik dahil sa sobrang hiya at takot na hindi rin mabibigyan ng hustiya ang sinapit niya, dala ng impluwensiya ni Vhong bilang artista.
Nagkaroon lang daw siya ng lakas ng loob matapos pormal na nagsampa ng kaso ang iba pang diumano’y ginawan ng karahasan ni Vhong. [
source]